Uubra pa ring kuwestyunin ang eligibility ni Senador Grace Poe na tumakbo sa presidential elections kahit pa pinaboran ito Ng korte Suprema laban sa kinakaharap na disqualification cases.
Ayon kay Atty. Carlo Vistan ng UP-College of Law, tiwala siyang hindi sumandig ang High Tribunal sa good faith argument sa pagpabor kay Poe dahil kung ganito ang sitwasyon, nakabitin pa rin at hindi nasagot ang tunay na isyu ng eligibility.
Nilinaw ni Vistan na ang tinutukoy niyang good faith argument ay pananaw na maaaring hindi na-meet ni Poe ang qualifications subalit naniniwala siya in good faith na siya ay kuwalipikado kayat nakagawa siya ng material misinterpretation at hindi dapat ikansela ang kaniyang COC o certificate of candidacy.
At kung ganito aniya ang tututukang approach, posible pa ring makuwestyon ang eligibility ni Poe.
Sinabi pa ni Vistan na deserving ang taumbayan ng desisyong direktang sumasagot sa mga pangunahing isyu ng citizenship at residence.
Game changer
Tila game changer sa Philippine politics ang naging ruling ng Korte Suprema sa disqualification case ni Senador Grace Poe.
Binigyang diin ito ni Political Analyst Professor Edmund Tayao dahil malaki aniya ang impact nang pagpabor ng High Tribunal sa kahilingan ni Poe na mabaligtad ang desisyon ng COMELEC at posibleng marami na ang sumunod dito.
Sinasabing ilang kaso na ang hindi iniakyat sa kataas taasang hukuman kung ito ay ibinasura na ng mayoryang miyembro ng komisyon.
Taliwas ito sa usapin ng citizenship ni Poe kung saan ilang ulit itong na disqualify sa division level gayundin sa en banc subalit binaligtad ng High Tribunal.
By Judith Larino