“Ipapuputol ko ‘yung dalawa kong paa. Gagapang na lang ako kung binabayaran kaming mga artista kay BBM!”
Ito ang sinabi ni multi-awarded actress Elizabeth Oropesa bilang reaksyon sa mga naglalabasan sa social media na ang mga artistang sumasali sa campaign rally ng BBM-Sara UniTeam ay mga bayaran.
Ayon kay Oropesa, ang ginagawa niyang pagtulong kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ay boluntaryo at kahit kailan ay hindi siya nagpapabayad para lamang suportahan ang nangungunang presidentiable.
“Nakita n’yo naman siguro kahit sa mga caravan at saka mga pinupuntahan ni BBM, umiiyak ang mga tao makalapit lang. Wala namang hinihinging kahit ano, ‘yung iba nga nagbibigay pa. Katulad ko, nagbibigay ako, kasi pangarap ko. Pangarap ng mga katulad kong loyalista ay ang makitang makaupo ulit ang isang Marcos at si Bongbong yun,” ani Oropesa.
“Kapag nangyari na makaupo sa Malakanyang si BBM, masaya na kaming ipipikit ang aming mga mata. Karamihan sa amin senior citizens na hindi lang halata,” sabi pa ng beteranang aktres.
Kaugnay nito ay nilinaw ni Oropesa na hindi rin niya sinisiraan ang mga kapwa artista na nangangampanya naman para sa kandidatura ni Leni Robredo.
Katunayan ay natutuwa pa aniya siya para sa mga ito dahil kumpirmado na lahat ng sumasama sa mga concert rally niya ay tumatanggap ng malaking halaga bilang kabayaran.
“Natutuwa ako para dun sa mga artistang kinukuha nila kasi sigurado ako may TF yan. Ang ibig sabihin ng TF ay talent fee. Eh sa atin (BBM camp) walang TF. Kusa at dumadating talaga ang mga artisa na kahit hindi imbitahan, sila pa ang nagtatanong kung paano sumama,” sabi pa nito.
Idinagdag ng best actress grand slam winner na kahit kailan ay hindi siya nakipag-away sa mga kapwa artista dahil lamang sa pulitika.
“Never akong nakipagtalaktakan, nakipagmurahan at nagsasabi ng masama tungkol sa mga artistang sumasama kay Leni Robredo at hindi ko rin ugaling manira ng kandidato nila,” pagdidiin pa niya.
“Meron talagang mga kinokontak ang grupo ni Leni Robredo na mga artista na willing naman kasi sino ba naman ang ayaw ng trabaho. Eh marami naman silang magagasta, nakita mo naman, maraming advertisement nila, wala silang kinakatakutang kukulangin ang pera. So, masaya ako para doon sa mga artistang nasa Pinklawans,” sabi pa niya.
Ang 67-anyos na aktres ay isang Bicolana, ngunit sinabi nitong matagal na siyang tagasuporta ni Marcos. Bahagi aniya siya ng Bongbong Marcos Loyalist International mula noon pang 2013.
Idinagdag nito na karamihan sa kanilang grupo ay mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na may milyong bilang na rin ang miyembro.
Kasama na rin siya sa mga nag-oorganize para sa rally ni Marcos, sabi pa niya.
“In fact, kung minsan naatasan akong maging representative din ni Inday Sara sa mga lugar na hindi nya napupuntahan. Ako ang nagbabasa ng kanyang mga mensahe, speeches, ganyan. Lahat ng grupo sa magkakaibang lugar ay iniimbitahan ko at ako rin ay maaari rin nilang imbitahan,” dagdag pa nito.
Binigyang-diin ng aktres na sa kasalukuyan ay may hinahanda silang aktibidades na tiyak sasamahan ng milyon-milyong tagasuporta ni Marcos.
“Wala kaming inaaway, gusto lang namin ipakita ‘yung pwersa ng napakaraming BBM supporters sa pamamagitan ng pagtitipon na ‘to. Gagawin namin ito kahit wala sa event namin sina BBM at si Inday Sara,” pahabol pa niya.