Binalaan ng pamilya ng ina ng menor de edad na tinawag ng aktres na si Ellen Adarna na paparazzi na kakasuhan ito kung hindi magpa-public apology.
Sa ipinost na mensahe sa social media ni Ginang Myra Santos, nanay ng 17-anyos na si Eleila, ang babaeng tinukoy ni Ellen na kumukuha ng kanyang video habang nasa isang ramen house sa Makati, na kumonsulta na sila sa kanilang abogado hinggil sa akusasyon ng aktres.
Ayon kay Myra, sinubukan aniya ng kanyang anak na makipag-ugnayan kay Ellen matapos i-upload ng aktres ang video at larawan ng kanyang anak nang walang consent at pagbintangang kinukunan siya ng video.
Gayunman hindi aniya sumagot ang aktres at sa halip ay nagpalabas pa ng panibagong video para sabihing nagsisinungaling ang kanyang anak.
Iginiit pa ni Myra na hindi kilala ng kanyang anak na si Eleila ang aktres.
Limang araw lamang ang ibingay na palugit ni Myra kay Ellen para mag-sorry.
Magugunitang nag-ugat ang usapin matapos mag-post si Ellen ng ilang Instagram stories tungkol sa aniya’y isang kapwa customer sa isang ramen house na kumukuha ng kanyang larawan at video at kalaunang nakilala bilang si Eleila Santos.
—-