Sumasailalim ngayon ang sexy actress na si Ellen Adarna sa alcohol detox kung saan nasa dalawang buwan na siyang hindi uminom ng alak.
Ito ang pag-amin ni Ellen matapos aniya ng kanyang realization sa buhay.
Ayon kay Ellen, nais niya magkaroon ng major lifestyle change at mas positibong mindset bago siya tumuntong ng trenta anyos sa Abril 2 sa susunod na taon.
Isinisisi rin ni Ellen sa kanyang matinding pag-inom ng alak mga maling desisyon na kanyang nagawa sa kanyang buhay dahil dumating siya sa punto na halos apat na beses sa isang linggo siya umiinom.
Ani Ellen, ibinubuhos niya ngayon ang kanyang oras habang wala pang mga proyekto sa pagwo-work-out at pagbabawas ng timbang.
Kwento pa ng aktres sa ngayon ay marami na siyang natatanggap na magandang komento tulad ng pagkakaroon ng kakaibang awra matapos huminto sa paginom at napansin niya rin na mas malinaw ang kanyang pag-iisip ngayon.
Gayunman, sinabi ng aktres na hindi pa rin niya natitigil ang paninigarilyo.