Naaalarma na ang Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources-Bicol sa masamang epekto sa kalusugan ng air quality sa mga lugar na apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Environmental Specialist na si Engineer Nathan Campo, napaka-peligroso sa katawan ng hangin sa bayan ng Guinobatan, Albay dahil nagtataglay ito ng pollutants dahil sa ibinugang abo ng bulkan.
Batay sa mga nakalap na datos ng EMB-Bicol gamit ang air pollution monitoring equipment, umabot na sa critical level ang air quality sa naturang lugar na 553 o lampas sa normal or average na 150.
Lumabas din sa pagsusuri na peligroso para sa kalusugan ang air quality sa Ligao City simula Enero 21 hanggang 24.
Dahil dito, pinangangambahan ng Department of Health o DOH ang pagtaas ng bilang ng respiratory ailments gaya ng hika, ubo at sipon bunsod ng ash fall.
—-