Tiniyak ng embahada ng Estados Unidos na patuloy silang naghahanap ng solusyon sa isyu ng Balangiga Bells na kinumpiska ng mga Amerikanong sundalo, mahigit isang siglo na ang nakakaraan.
Ayon kay US Embassy Spokesperson Molly Koscina, kinikilala nilang may malalim na kahulugan ang Balangiga Bells sa Pilipinas at maging sa Estados Unidos.
Nakikipag tulungan anya sila sa ilang Filipino partners para makahanap ng solusyon sa problema.
Una rito, sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA o State of the Nation Address na dapat nang isoli ng Amerika ang Balangiga Bells dahil sumisimbolo ito sa pagiging bayani ng mga Pilipinong lumaban nuon sa mga Amerikano.
Dalawa sa tatlong Balangiga Bells ang nasa F.E. Warren Airforce base sa Cheyenne, Wyoming samantalang ang ikatlong kampana ay nasa US Army Regiment sa South Korea.
- Len Aguirre