Nagbukas ng Emergency field hospital sa Quezon City para sa mga COVID-19 patients ang Philippine Red Cross bunsod ng mga punuang mga ospital sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Mayroong 18 tents ang naturang field hospital na may air-conditioning unit at walong kama kada tent na nakalaan para sa mild hanggang moderate na kaso ng COVID-19.
Samantala, mayroon din itong suplay ng basic ward facilities gaya ng mga tangke ng oxygen, ECQ machine bilang pagtugon sa mga pasyenteng nakararanas ng mild hanggang malalang sintomas.
Habang aabot naman hanggang 144 na pasyente ang kayang tanggapin ng field hospital ayon kay PRC Chairman Sen. Richard Gordon.
Ani Gordon, ito ang magsisilibing extension ng Lung Center of the Philippines.
Ayon naman kay Testing Czar Vince Dizon, ang setup ng nasabing field hospital ay gaya ng ng mga ospital na ginagamit sa panahon ng giyera.
Kaugnay nito, patuloy na naghahanap ng 20 doktor, 70 nurse at 100 auxillary personnel ang emergency field hospital na siyang kailangan upang maayos na makapagbigay ng serbisyo sa publiko ang ospital.