Lusot na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7884 na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para labanan ang red tape.
Kagabi, naihabol pa sa mababang kapulungan ang isang sertipikasyon mula sa Malakaniyang para pagtibayin ang nasabing panukala bago mag-recess ang mga mambabatas.
267 mambabatas ang bumoto pabor sa nasabing panukala habang nasa anim ang tumutol kaya’t mabilis nailusot ang nasabing panukala.
Sa ilalim ng nasabing batas, binibigyang kapangyarihan nito ang Pangulo ng bansa na paikliin ang oras o araw ng pagpoproseso o ‘di kaya’y suspindehin ang mga rekesitos para sa national at local permits, licenses at certifications tuwing may national emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Saklaw nito ang lahat ng mga ahensya ng ehekutibo kasama na ang mga kagawaran, kawanihan, tanggapan, komisyon, Government Owned and Controlled Corporation (GOCC’s) at iba pa.
Maliban dito, may kapangyarihan din ang Pangulo sa ilalim ng batas na sibakin o suspindehin ang sinumang opisyal at kawani ng pamahalaan na lalabag sa batas sa sandaling maipasa na ito.