Hindi na umaasa ang Malakanyang na mabibigyan pa ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos maghain si Albay Rep. Joey Salceda ng House Bill no. 5456 na layong mapagkalooban ng emergency powers ang chief executive upang mas mapabilis pa ang programa ng administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, iginagalang ng executive branch ang hakbang na ito ng Kamara para maisakatuparan ang mga infrastructure projects ng pamahalaan.
Pero sinabi ni Panelo na maikokonsidera nang huli o late ang panukala ni Salceda dahil halos tatlong taon na lamang ang natitira sa termino ni Pangulong Duterte.
Bunsod nito, inaasahan aniya ng palasyo na aabot sa 38 proyekto ang makukumpleto sa 2022, kung saan 22 ang partially operational o substantial completion habang 40 naman ang posibleng matapos paglampas ng taong 2022.