Katulad ng pangkaraniwang araw, pumasok si Rajesh Kumar Shinde sa kanyang trabaho sa isang bangko sa Uttar Pradesh, India.
Lingid sa kanyang kaalaman, dito niya gugugulin ang mga huling sandali ng kanyang buhay.
Sa video na kuha ng CCTV, makikitang nakaupo si Rajesh at abalang nagtatrabaho sa kanyang laptop.
Ilang sandali lamang, napahawak siya sa kanyang mukha at biglang nawalan ng malay.
Inaatake na pala si Rajesh sa puso!
Hindi agad nakita ng kanyang mga katrabaho ang nangyari, ngunit nang mapansin nila ito, agad silang naalarma.
Sinabuyan nila si Rajesh ng tubig sa mukha at tinangkang painumin. Sinubukan din nila itong i-CPR (cardiopulmonary resuscitation).
Nang hindi pa rin nag-respond, isinugod na siya ng mga katrabaho niya sa ospital, ngunit idineklara ring dead on arrival.
Si Rajesh ay nasa 30-anyos lamang.
Isa ang heart disease sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay sa India ayon sa Ministry of Health and Family Welfare.
Bagama’t kadalasang matatanda ang nagkakasakit sa puso, tumataas na ang bilang ng mga taong may edad 40 pababa na namamatay dahil sa heart attack.
Ayon sa mga eksperto, dulot ito ng kakulangan sa ehersisyo, hindi wastong pagkain, at stress sa trabaho.
Isang paalala ang trahedyang sinapit ni Rajesh na sadyang maikli lamang ang buhay at hindi natin alam kung kailan ito magwawakas; kaya’t mahalagang bigyang-pansin ang ating kalusugan at magpahinga upang maiwasan ang ganitong insidente.