Nasawi ang isang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakatalaga sa quarantine facility sa PICC, bago pa man lumabas ang resulta ng isinagawang coronavirus disease 2019 (COVID-19) test dito.
Ayon kay DPWH – Build Build Build Committee Chairperson Anna Mae Lamentillo, nakaranas ng diarrhea ang nabanggit na empleyado ng ahensiya kaya isinailalim sa COVID-19 test.
Gayunman, nasawi na ito habang hinihintay pa ang resulta ng kanyang pag-susuri.
Sinabi ni Lamentillo, naipagbigay alam na nila sa pamilya ng nasawing empleyado ng DPWH ang sinapit nito at nagbigay na rin ng tulong ang ahensiya.
Samantala, nagsasagawa na rin aniya ng contact tracing ang ahensiya habang sumasailalim na sa self-quarantine ang mga natukoy nang nakasalamuha ng nasawing empleyado DPWH.