Nahaharap sa kasong kriminal ang isang limampu’t walong taong gulang na empleyado ng Land Transportation Office matapos maaresto sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG sa Quezon City.
Ayon kay CIDG chief Maj. Gen. Eliseo Cruz, ang suspek na si Maria Fe Carpina Doringo, releasing & receiving officer na nakatalaga sa LTO Novaliches District Office, ay nahuli dahil sa reklamo ng mga kinatawan ng Anti-Red Tape Authority o ARTA.
Sinabi ni Cruz na nanghihingi umano ng pera si Doringo kapalit ng mabilis na pagre-release ng student permits at driver’s license ng mga aplikante.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11032 o ang Anti-Red Tape Act.