Talaga nga namang nakalulungkot ang matanggalan ng trabaho. Kadalasan ay tinatanggap na lang ito ng mga tao at naghahanap ng bago. Pero ang isang Indian man sa Singapore, naghiganti muna sa dating pinapasukan matapos siyang ma-terminate.
Ang buong kwento, alamin.
Si Kandula Nagaraju ay isang trenta’y nuwebe anyos na Indian national na natanggal sa kaniyang posisyon sa quality assurance computer system team ng National Computer Systems sa Singapore dahil ayon sa company assessment ay hindi raw maganda ang kaniyang work performance.
Natapos ang kaniyang kontrata sa kumpanya noong October 2022 ngunit pinahintulutan pa rin na mag-trabaho hanggang November 16 sa parehong taon.
Ikinalungkot naman ni Kandula ang termination at bumalik na lamang muna sa India dahil wala siyang nahanap na trabaho sa Singapore.
Habang wala pa siyang bagong trabaho, natuklasan ni Kandula na mayroon pa rin siyang access credentials sa sites at servers ng kumpanya, kaya naman pinag-aralan niya kung paano buburahin ang servers ng NCS bilang ganti rito.
Nakakita naman ng bagong trabaho si Kandula sa Singapore at bumalik doon noong February 2023 at nag-renta ng kuwarto kung saan nangungupahan din ang dati niyang katrabaho sa ncs at naki-connect sa wifi nito upang maisagawa ang plano.
Sa sumunod na buwan ay paunti-unti nang binura ni Kandula ang servers upang hindi makahalata ang kumpanya.
Makalipas lang ang isang araw ay nadiskubre na ng kumpanya na burado na ang lahat ng kanilang 180 servers at ginawan na lamang ng paraan para hindi mag-panic ang kanilang mga kliyente at siniguro na safe ang mga data na hawak nito.
Gayunpaman, natuklasan din agad sa imbestigasyon na si Kandula ang nasa likod ng insidente at pinatawan ng dalawang taon at walong buwan na pagkakakulong.
Samantala, mas pinaigting na ng kumpanya ang kanilang system matapos hindi agad mabura ang access ni kandula sa kanilang servers kung kaya kinailangan nilang magbayad ng halos 678,000 Singaporean dollars na may katumbas na 29.4 million Pesos para ma-retrieve ang mga ito.
Ikaw, anong masasabi mo sa termination revenge na ito?