Kumpiyansa ang pamahalaan na mabibigyan ng employment assistance ang nasa 4,625 na displaced workers na apektado ng nagdaang lindol sa Northern Luzon.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Director Nathaniel Lacambra, kayang matulungan ng kanilang ahensya ang nasabing bilang sa pamamagitan ng tupad program.
Sinabi ni Lacambra na hindi bababa sa 426 ang bilang ng mga manggagawa mula sa formal sector ang naapektuhan ng lindol habang ang iba pa ay mula naman sa informal sector, tulad ng mga mangingisda at magsasaka na hindi pa rin makapagtrabaho dahil sa iniwang pinsala sa Abra at Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, siniguro naman ng DOLE, na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga naapektuhan ng lindol kung saan, patuloy parin ang kanilang pamamahagi ng mga relief goods sa mga nabanggit na lugar.