Sinagot ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang naunang pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda kung saan sinabi nito na pinupuna lamang daw ng bise presidente si Pangulong Benigno Aquino III dahil hindi ito ang inenderso para sa pampanguluhang halalan sa 2016.
Ayon kay Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni VP Binay, tila hindi maka-move on si Lacierda at lagi na lamang itong bukambibig.
Sa kabila nito, aminado si Quicho na nakatutulong ang pag-endorso ng isang Pangulo sa sinumang tumatakbo, ngunit hindi lamang aniya ito ang sinisikap at hinahangad na makuha ng mga kandidato.
Dahil bawat pag-endorso aniya ay mahalaga, ito man ay galing sa mga kagawad, negosyante o grupo ng mga maralita.
Kung maaalala, sinasabing hiningi umano ni Binay ang pag-endorso ni Pangulong Aquino simula nang ito’y mag-anunsyo ng interes sa presidential race, pero hindi siya pinagbigyan ng presidente at sa halip ay kay Liberal Party Standard Bearer Mar Roxas niya iginawad ang basbas at itinuring niya bilang anointed one.
By Allan Francisco