Kinumpirma ng Malacañang na si Interior Secretary Mar Roxas ang i-eendorso ni Pangulong Benigno Aquino III na kandidato ng Liberal Party sa 2016 Presidential elections.
Isasagawa ang endorsement sa isang event sa Cory Aquino Kalayaan Hall ng Club Filipino, San Juan City, mamaya.
Nakatakda ring maglabas ng acceptance message ang kalihim matapos ang endorsement ng Pangulo.
Kabilang sa mga dadalo sina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte na kapwa mataas na opisyal ng Liberal Party.
Samantala, naniniwala ang ilang political analyst na hindi magiging sapat ang endorsement ni Pangulong Benigno Aquino III upang magarantiyahan na mananalo si Interior Secretary Mar Roxas sa 2016 Presidential election.
Ayon sa campaign strategist na si Malou Tiquia, Founder at General Manager ng Publicus Asia, puspusang trabaho ang dapat gawin ni Roxas upang manalo.
Dapat din aniyang magpakatotoo si Roxas at ipakita sa publiko na kailangan siya ng bayan.
Kumbinsido naman si Professor Ramon Casiple, Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform, na maliit lamang ang maitutulong ng endorsement ng Pangulo sa mababang ratings ni Roxas.
Base sa mga huling Social Weather Stations survey, madalas ay pangatlo o pang-apat lamang ang kalihim o nasa likod nina Senator Grace Poe at Vice President Jejomar Binay.
By Drew Nacino