Nagpapasalamat ang kampo ni Senador Grace Poe sa Nationalist People’s Coalition o NPC.
Ito’y makaraang suportahan ng NPC ang tambalang Poe-Escudero sa May 9 elections.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Senador Poe, na malaking puntos para sa kanila ang ginawang pag-endorso ng NPC sa kanilang pambato sa halalan lalo’t ito ang pangalawang pinakamalaking political party sa bansa.
Idinagdag pa ni Gatchalian na sa tulong ng NPC, mayroon na silang makinarya para maitaguyod ang adbokasiya ni Poe na “Gobyernong May Puso”.
“Well syempre imagine niyo sina Senator Grace at Senator Chiz tumatakbo silang independent, wala naman silang kaalyadong government officials, iilan lamang like myself na doing this in our personal capacity, pero ngayon dahil naendorso tayo 2nd largest political party sa bansa kung saan mayroong 4,300 na kandidato sa darating na halalan ay magkakaroon tayo ng presence sa mga lalawigan, sa mga munisipalidad sa malalayong lugar sa ating bansa, syempre mas maraming taong nagsasalita para kay Senator Grace, mas maraming tao na nagangampanya, mas maraming tao na nagpapaliwanang ng kanyang plataporma, mas marami tayong maco-convert na mga botante.” Pahayag ni Gatchalian.
By Meann Tanbio | Karambola