Saan aabot ang P10 mo?
Sa Quezon City, makabibili ka na ng ulam at kanin, makatutulong ka pa sa pag-aaral ni Yuan Aaron Villamil!
Viral ngayon sa social media ang “Pastil Journey” ni Yuan, isang incoming 2nd year college na nag-aaral ng kursong Civil Engineering.
Pumasok si Yuan sa isang private college bilang scholar.
Gayunman, 1st sem pa lamang ay nawalan na siya ng scholarship dahil bumagsak siya sa isang subject na kinuha niya noong kasagsagan ng pandemya.
Sa kasamaang palad, hindi na siya nakapag-aral sa sumunod na school year dahil may balance pa siya sa kanyang tuition fee.
Huminto muna siya sa pag-aaral upang magtrabaho, hanggang sa naisipan ng kanyang tiyo na magbenta sila ng pastil sa halagang P10. Kumita siya rito ng P150 kada araw.
Sa kalaunan, naisipan ni Yuan na simulan ang kanyang sariling negosyong, “Pastil for My Tuition” upang matulungan na rin ang kanyang ina na isang single parent.
Alas sais pa lamang ng umaga, inihahanda na niya ang ibebentang pastil. Kada araw, nakauubos siya ng 100 servings.
Naging mabunga ang pagsisikap ni Yuan dahil kamakailan lang, nabayaran na niya ang balance sa kanyang tuition fee. Nakabili na rin siya ng laptop na magagamit niya sa pasukan.
Sa ngayon, nagbebenta pa rin siya ng pastil at iniipon niya ang kinikita rito para naman sa kanyang allowance.
Tunay ngang naging inspirasyon si Yuan sa maraming kabataan. Naging patunay siya na sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, makakaya nating abutin anuman ang ating ninanais.