Muling nagka-engkuwentro ang mga tropa ng militar at NPA o New People’s Army sa lalawigan ng Batangas kaninang umaga.
Batay sa ulat na ipinarating ni Capt. Patrick Retumban, tagapagsalita ng 2nd infantry division ng Philippine Army, nangyari ang engkuwentro mag-aala sais ng umaga kanina sa Barangay Calumpit, bayan ng Lobo sa naturang lalawigan.
Tinatayang nasa dalawampung miyembro ng npa ang naka-engkuwentro ng militar na pinamumunuan ng isang alias salma na una na ring nakasagupa ng mga sundalo noong Enero.
Matapos ang sampung minutong bakbakan, nakubkob ng militar ang kampo ng mga rebelde kung saan ay narekober ang ilang ied o improvised explosive device, backpacks, cellphones at iba pang mga subersibong dokumento.
Wala namang nasugatan sa panig ng militar habang hindi pa matukoy kung ilan ang sugatan sa panig ng mga kalaban subalit may nakitang bakas ng dugo sa lugar ng bakbakan.
Patuloy naman ang ginagawang hot pursuit operations at pinaigting na rin ang checkpoints sa nasabing lugar.