Pinaghahandaan na ng Department of Education (DepEd) ang mga panuntunan para sa distribusyon ng nutribun sa mga estudyante na sisimulan sa susunod na taon.
Nakapaloob sa 2023 budget ng ahensya ang school feeding program, kung saan tutulong ang Department of Science and Technology (DOST) sa pag-develop ng nutribun.
Sa pahayag ni Dr. Imelda Agdeppa ng Food and Nutrition Research Institute, ang nutribun ay ipapamahagi sa mga mag-aaral sa buong bansa dalawa hanggang tatlong beses kada linggo.
Sinabi naman ni DOST Secretary Renato Solidum na magkakaroon ng iba’t ibang flavors ang nutribun gaya ng carrots, kamote at kalabasa.
Nakapagbigay na rin aniya ang kanilang ahensya ng lisensya para sa mga nais na gumawa nito, kung saan 180 lisensya ang kanilang naibigay para sa paggawa ng kalabasa variant, 136 para sa carrot variant, at 94 para sa kamote variant.
Mababatid na nakilala ang nutribun noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.