Aprubado na sa ikatlo’t huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon, seguridad at benepisyo sa mga nagtatrabaho sa media industry.
Sa botong 252 at walang tumutol, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 454 o “Media Workers’ Welfare Act,” na consolidation ng limang magkakatulad na panukala.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, itinuturing ng Kongreso ang Media, na tinaguriang “fourth estate”, na mahalagang katuwang sa pagtataguyod ng bansa at pagbibigay proteksyon sa demokrasya.
Sakaling isabatas, sasaklawin ng bill ang lahat ng Media Workers at Media entities sa pribadong sektor.
Alinsunod sa panukala, dapat ay mas mataas ang sahod ng Media Workers sa itinatakdang minimum wage ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.
Entitled din ang mga nasabing manggagawa sa Overtime at Night Shift pay sa ilalim ng Labor Code at iba pang batas; maging miyembro ng Social Security System, Pag-Ibig Fund at PhilHealth.
Nakasaad pa sa nasabing panukala na dapat ay otomatikong regular employee na ang isang manggagawa matapos ang anim na buwan simula nang magtrabaho.