Nagpahayag ng pagkabahala si dating Senador Juan Ponce Enrile sa isinusulong Pederalismo ng Duterte administration, partikular ang isyu ng perang gugugulin sa pagpapatupad nito.
Ngunit paglilinaw ni Enrile, hindi naman siya ganap na tutol sa pagpapalit ng Saligang Batas dahil wala aniyang permanenteng istruktura ng gobyerno para sa isang bansa.
Ang pag-aalala lamang niya ay mahalagang mapag-aralan at huwag madaliin ang pagtatatag ng panibagong uri ng pamahalaan dahil ang mapapahamak lamang dito ay ang taumbayan na siyang sasagot ng gastusin sa pamamagitan ng buwis.
I am totally in favor of any revision ng ating Saligang Batas dahil walang permanent structure ng government. Ang sinasabi ko ay ito ba ay pinag-aralan ninyo kung magkano ang kailangan na gugugulin para maitayo iyan dahil ang sasagot niyan ay ang taumbayan, ang pera diyan ay manggagaling sa bulsa ng bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis. Mawawalan sila ng sapat na pera para sa kanilang kabuhayan.
Ibinatay ni Enrile ang obserbasyon sa kanyang naging pag-aaral at malawak na karanasan bilang isang mababatas.
Delikado iyan kapag minadali. Napag-aralan ko iyan, kaya nga gusto ko nang sumali sa usapan.
TRAIN Law, Pagbagsak ng halaga ng piso vs. dolyar, Inflation, Oil price hike
Binigyan diin din ni Enrile na nararapat ding pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang ilang isyu na kinakaharap ng bansa tulad ng inflation, oil price hike at pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.
Inflation, pagbagsak ng presyo ng ating pera at ang TRAIN Law, dapat din ‘yan pag-aralan dahil nagpapahirap iyan sa ating taumbayan. Kasama ng problema sa enerhiya, ano ba ang plano ng gobyerno diyan? Kapag wala tayong sapat na enerhiya lalo na sa transport system natin, magkakagulo rito.
Pagdating naman sa isinusulong na Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2, sinabi ni Enrile na hindi niya ito haharangin ngunit magmumungkahi lamang ng mga kailangang repasuhin para sa kapakanan ng taumbayan.
Hindi ko haharangin ang TRAIN 2 pero i-susuggest ko ‘yung mga babaguhin para hindi masaktan ang taumbayan. Sa TRAIN Law, ire-revise ko ‘yung mga taxes na ipinataw doon na nagpre-pressure ng presyo ng mga bilihin sapagkat pag pinatawan mo ng buwis, halimbawa ‘yung enerhiya at babagsak ang valor ng pesos natin, hindi maso-solve ang inflation na iyan.