Kinantiyawan ni dating senate president at ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang mga nagsusulong ng “people power” na bumili ng People Power kit at simulan ang kanilang laro.
Kasunod ito ng pagtitipon-tipon ng mga supporter ni Vice President Sara Duterte sa Edsa Shrine kamakailan lamang.
Tila hinamon pa ni Enrile ang mga nagtitipon-tipon sa Edsa kung kaya bang pangatawanan ng mga ito ang kanilang ginagawa.
Binigyang-diin pa ng Chief Presidential Legal Counsel na hindi biro ang maglunsad ng rebolusyon dahil kapag inumpisahan ito ay wala ng urungan, at maaring manalo o matalo.
Nag-ugat ang pagtitipon-tipon ng mga supporter ng Pangalawang Pangulo sa Edsa makaraang mag-react ang gobyerno sa pagbabanta ng Bise Presidente laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez na mamamatay ang mga ito kapag siya ang unang namatay. – Sa panulat ni Jeraline Doinog