Itinakda ng Department of Education (DepEd) sa buong buwan ng Hunyo ang enrollment period para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya.
Batay sa ipinalabas na kalendaryo ng DepEd para sa mga aktibidad sa School Year 2020-2021, maaaring makapag-enroll ang mga estudyante simula sa June 1 hanggang 30.
Ayon kay Education Undersecretary Revsee Escobedo, maaaring isagawa ang pagpapatala sa mga paaralan sa pamamagitan ng online o pagpapadeliver ng sinagutang form.
Ito aniya ay upang hindi na kailanganin pang lumabas ng kanilang tahanan ang mga bata at mga magulang.
Una namang sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na ang isang buwang enrollment period ay panahon para makapag-isip at makapagpasiya pang muli ang mga magulang.
Ayon kay Malaluan, may ilang magulang na kasi aniya ang nagdadalawang isip kung papapasukin pa sa paaralan ang kanilang mga anak sa gitna ng patuloy na pagharap ng bansa laban sa COVID-19 pandemic.