Natumbok na ang pinaka-entrance ng minahan na natabunan ng landslide sa Itogon Benguet dahil sa bagyong Ompong.
Ayon kay Chief Supt. Rolando Nana, Regional Director ng PNP Cordillera Administrative Region, malabo na ring mayroong buhay na nakapagtago sa tunnel dahil halos may tubig na sa loob at marami pa ring nakatabon na lupa.
Nauna nang idineklara ang pagtatapos ng rescue operations at pagtutok na lamang sa search and retrieval operations.
Pumalo na aniya sa animnapu’t walo ang labi na na-recover at inaasahang ngayong araw na ito ay mapapasok na ng natabunang tunnel.
“Hindi pa po nailalabas lahat ng lupa doon (entrance) dahil medyo delikado dahil baka gumuho ang lupa, parang hinukay lang ‘yung entrance, ‘yun po ang tinutumbok natin ngayon.” Pahayag ni Nana
Land prone areas
Idineklara ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang aabot sa 184 na ektarya ng lupain sa Itogon Benguet bilang landslide prone areas.
Karamihan sa mga tinukoy na lugar ay nasa bahagi kung saan nangyari ang pagguho ng lupa noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong na ikinasawi naman ng nasa pitumpo (70) katao.
Nakasaad din sa report ng MGB na may malaking tiyansa na magkaroon muli ng panibagong landslide kapag bumuhos ang malakas na ulat sa nabanggit na lugar.
Nakitaan na rin ng MGB ng mga tension crack ang lugar malapit sa Itogon-Antamok Road na nagsilbing staging area o assembly point ng mga rescuers sa nangyaring landslide.
Habang may nakita ring mga aktibo pang pagguho ng lupa sa barangay Ucab at crack sa bahagi ng munisipyo ng Itogon sa barangay Poblacion.
Gayundin ang mga nadiskubreng active landslide sa barangay Virac sa Sitio Batuang, Sitio Balatoc, Sitio Bubon, Sitio City Limit at barangay Ampucao.
500 pamilya kinakailangang i-relocate
Humigit-kumulang 500 pamilya sa anim na barangay sa Itogon Benguet ang kinakilangang i-relocate o ilipat ng tahanan.
Ito ay matapos matuklasan ng Mines and Geosciences Bureau na ilang barangay sa Itogon ang may mataas na panganib sa pangguho ng lupa.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources – Cordillera Administrative Region, kinakailangan nang aksyunan agad ng mga awtoridad ang agad na pag-relocate sa mga residente sa tinukoy na critical areas.
Gayunman, sinabi ni Presidential Political Adviser Francis Tolentino, wala pang natutukoy na lugar na maaaring gawing relocation sites.
Samantala, bilang paghahanda naman sa ulang posibleng dalhin ng bagyong Paeng sa Cordillera Region, isang tent city na ang itinayo sa Benguet Sports Complex sa La Trinidad sakaling kailanganing magpatupad ng pre-emptive evacuation.—Krista de Dios
(Balitang Todong Lakas Interview)