Planong taasan ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang environmental fees na sinisingil sa mga turista sa isla ng Boracay.
Ito, ayon kay Malay, Aklan acting Mayor Abram Sualog ay upang mapondohan ang kanilang garbage collection.
Kasalukuyang 75 pesos ang environmental fee pero balak ng Malay LGU na itaas ito sa 100 hanggang 150 pesos dahil kailangan aniya nilang bayaran ang utang na 34 million pesos sa mga kolektor ng basura.
Ipinabatid ng waste management contractor sa Boracay Inter-Agency Task Force na matatapos na ang kanilang pangongolekta ng basura sa Abril 15 dahil hindi pa sila nababayaran ng Malay local government simula noong Disyembre.
Aminado naman si Sualog na 21 million pesos lamang ang kanilang nakolektang environmental fees.
—-