Naglabas ng eco-tips ang environmental group na Ecowaste Coalition para maiwasan ang lumalalang bilang ng mga tinatamaan ng dengue.
Kasunod ito ng inilabas na ulat ng Department of Health (DOH) kung saan, umabot na sa 52,000 ang kabuuang bilang ng dengue cases mula noong Enero hanggang Hunyo a-18 na mas mataas ng 58% kumpara sa halos 33,000 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Ayon sa grupo, malaking tulong ang maayos na pamamahala sa mga basura o ang pagpapanatili ng biodegradable at non-biodegradable.
I-check o tignan at takpan ang mga naka-imbak na tubig sa loob at labas ng bahay kabilang na ang mga drum, balde, at tangke na maaaring pamugaran ng lamok.
Panatilihin ding malinis ang mga alulod at ilang debris na maaaring ipunan ng tubig kapag umuulan.
Samantala, nagpaalala din sa publiko ang DOH na sundin ang 4s strategy ng gobyerno laban sa dengue: ang search and destroy para sa breeding places ng mga lamok; secure self-protection tulad ng pagsusuot ng long pants at long-sleeves; seek early consultation; at suporta sa fogging at spraying sa mga hotspot areas.