Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order o EO na nag-aamyenda sa komposisyon ng Edsa People Power Commission.
Sa ipinalabas ng Malacañang ng kopya ng EO 47 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Nobyembre 24, nakasaad ang pagtatalaga sa National Historical Commission of the Philippines o NHCP bilang ex officio chairman ng Edsa People Power Commission.
Sa ilalim ng EO 47, hahawakan na rin ng NHCP ang pangangalaga at pagtitiyak sa kaayusan ng People Power Monument.
Nakasaad din ang pagtatalaga ni Pangulong Duterte sa apat na miyembro ng komisyon na magmumula sa pribadong sektor at uupo sa loob ng tatlong taon.
Inamyemdahan ng EO 47 ang naunang EO 82 na ipinalabas noon ni dating Pangulong Joseph Estrada na lumilikha sa Edsa People Power Commission para sa pagpapanatili ng mga alala ng mapayapang rebolusyon na nagpatalsik sa rehimeng Marcos.
—-