Hinamon ng Alyansa Tigil Mina ang Pangulong Rodrigo Duterte na huwag daanin sa salita lamang ang banta na tuluyang ipatigil ang pagmimina sa bansa.
Ayon kay Jaybee Garganera ng Alyansa Tigil Mina, dapat magpalabas ng executive order ang Pangulo na tuluyang nagbabawal sa open pit mining sa bansa at atasan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tiyaking nasusunod ang kanilang mine closure at suspension orders.
Sinabi ni Garganera na bagamat consistent ang posisyon ng Pangulo laban sa pagmimina mula pa noong panahon ng kampanya, bigo naman itong panindigan ang posisyong ito lalo na nang hindi nito maidepensa si dating DENR Secretary Gina Lopez.
Kasabay nito, nanawagan si Garganera sa DENR na ilabas na ang resulta ng mine audit na pinasimulan noon ni Lopez.
“May finile na request siguro mga isang taon na rin pero ang sagot sa atin ay dahil nire-review pa raw nung Mining Industry Coordinating Council ang mga mine audit kaya hindi pa nila mailabas, eh nung July po sinabi ng MICC, ni Sec. Cimatu at Sec. Dominguez na nakuha na nila ang mining audit review so wala nang dahilan para hindi nila ‘yan ilabas, mahalagang impormasyon kasi ito para sa lahat.” Pahayag ni Garganera
(Ratsada Balita Interview)