Nilagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na inaasahang tatapos sa endo o end of contract sa mga manggagawa.
Sa harap mismo ng mga dumalo sa pagdiriwang ng Labor Day sa Cebu City nilagdaan ng Pangulo ang EO.
“I remain firm in my commitment to put an end to ‘endo’ and illegal contractualization.” Ani Pangulong Duterte
Binasa ng Pangulo ang isang bahagi ng EO na nagbabawal sa contracting at sub-contracting ng mga empleyado na nagkakait sa kanila ng seguridad sa trabaho.
Tiniyak ng Pangulo na hindi titigil ang kanyang pamahalaan hangga’t hindi tuluyang natutuldukan ang anya’y kahiya-hiyang nakagawian ng mga employers.
Dahil dito, hiniling ng Pangulo sa Kongreso na muling bisitahin ang Labor Code at iba pang batas sa paggawa upang maamyendahan ito at maiakma sa kasalukuyang panahon.
“I can only implement but if there are things that need to be corrected, modified to suit the needs or the demand of time… We have to amend or correct or recommend revision or revisit the laws.” Pahayag ng Pangulo
Inatasan rin ng Pangulo ang Department of Labor and Employment o DOLE na isumite sa kanya ang listahan ng lahat ng kumpanya na sangkot sa endo.
Courage
Samantala, hindi makikinabang ang mga contractual workers ng pamahalaan sa executive order ng Pangulong Rodrigo Duterte na tatapos sa kontraktuwalisasyon.
Ayon kay Ferdinand Gaite ng grupong Courage, isa sa bawat tatlong government employees sa kasalukuyan ang hindi regular sa kanilang trabaho o kabuuang pitong daan at dalawampung libo (720,000).
Sinabi ni Gaite na hindi naman sila sakop ng labor code na nagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa.
Dahil dito, tiniyak ni Gaite na tuloy tloy ang gagawin nilang pakikipaglaban para sa kapakanan ng mga tinaguriang permanent contractual employees ng pamahalaan.
Bukod sa mas maliit ang suweldo, wala ring aasahang retirement benefits ang mga hindi regular na manggagawa ng gobyerno.
—-