Babaguhin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Transition Commission.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, sa Lunes ng hapon nakatakdang lagdaan ng Pangulo ang execution order para sa reconstitution ng Transition Commission.
Magkakaroon anya ng panibagong nominasyon na itatalaga ng Pangulo sa babaguhing grupo.
Ang Transition Commission ay matatandaang binuo para ipatupad ang mga nilagdaang kasunduan ng Aquino administration at Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Sinabi ni Dureza na sisimulan na rin nila ang pagbuo ng panukalang batas na papalit sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na isusumite sa Kongreso.
Pero sa pagkakataong ito, maliban sa mga nabuong kasunduan sa MILF, isasama sa bubuuing panukalang batas ang mga mungkahi na magmumula sa iba pang grupo ng Bangsamoro tulad ng Moro National Liberation Front ni Chairman Nur Misuari.
Ayon kay Dureza, inaayos na rin nila ang proseso kung saan ang lahat ng grupong kausap ng pamahalaan para sa kapayapaan sa Mindanao ay magsusumite sa road map to peace ng Duterte administration na siyang isasama sa bagong BBL.
By Len Aguirre