Nakatakdang lagdaan ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar sa bansa.
Sa panayam ng programang “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na malaki ang maitutulong nito sa kampanya ng kagawaran na maging tobacco free ang Pilipinas.
Batay sa draft EO ng Health Department, aalisin na ang smoking free zones sa mga pampublikong lugar.
Bukod dito, iba-ban na rin ang e-cigarettes at vapes.
“Unang-una dine-define diyan kung anong ibig sabihin ng public places, sa aming isinumiteng rekomendasyon mawawala na po yung mga smoking free zones sa public places, hindi na po puwede na may isang lugar kung saan puwede ka pa ring humithit ng sigarilyo, yan ang malaking pagbabago kung yan ang pipirmahan ng ating Pangulo.” Ani Tayag
Idinagdag pa ni Tayag na maglalabas ng opisyal na pahayag ang Department of Health (DOH) sa sandaling malagdaan na ng pangulo ang EO sa smoking ban.
“Magbibigay po kami ng pahayag oras na opisyal nang napirmahan ng ating Pangulo para maibahagi natin ang bagong kautusan sa lahat ng lugar sa bansa para yan ay gawin ng mga may tungkulin na dapat gampanan at para maisakatuparan ang executive order na yan.” Pahayag ni Tayag.
By Meann Tanbio | Balitang Todong Lakas (Interview)