Pinasisiguro ni Taguig City Mayor Lino Cayetano ang episyenteng pagseserbisyo ng mga kawani ng pamahalaang lungsod sa kabila ng umiiral na COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, inatasan ng Alkalde ang Office of the City Administrator na magsagawa ng audit at siliping muli ang progreso ng Taguig 2025 plan.
Ito ay upang matiyak ang full transition ng lungsod para sa highly sustainable city at maging matatag sa anumang uri ng hamon tulad ng mga sakuna at pandemiya na posibleng kaharapin.
Sa ipinatawag na ManCom meeting kahapon, binigyang diin ni Cayetano na kailangan ng mabilis at buong pagpapasya sa mga gagawing hakbangin upang matiyak na epektibong mapaglilingkuran ang kanilang nasasakupan.
Maisasakatuparan aniya ito sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa at mahigpit na pagsunod sa mga panuntunan mula sa pinakamataas na opisyal ng lungsod hanggang sa pinakamababa.