Masyado pang maaga para matukoy kung nagdulot ba ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa pagkukumpulan ng mga tao sa kaliwa’t kanang community pantries sa Quezon City.
Ito ay ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), matapos magsulputan ang mga community pantries sa lungsod, partikular na ang inorganisa ng aktres na si Angel Locsin na naging sanhi pa ng pagkamatay ng isang senior citizen.
‘Yung mga big crowds talaga na nangyari, gaya nung sa Holy Spirit, masyado pang maaga para malaman natin kung may resulta na doon sa pagtaas ng mga kaso natin,” ani Cruz.
Ani Cruz, inaasahang sa kalagitnaan pa ng linggo lilitaw sa datos ang epekto nito sakali mang magkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
We’ll know that by mid this week kung merong additional cases and then ang exposure nila ay kung dahil pumila sila sa community pantries,” ani Cruz.
Nanawagan din si Cruz sa lahat ng mga residente na pumila sa inorganisang community pantry ng naturang aktres na magpa-swab test na upang maagapan ang paglaganap ng virus.
Paliwanag pa ng head ng Quezon CESU, sa mga nabanggit na pagtitipon nagsisimula ang community transmission ng virus.
Ang ankikita lang natin ‘yung mga nasa crowd, then pag-uwi nila sa pamilya nila, kung meron silang virus, mahahawa ang kapamilya nila. Then, ‘yung mga kapamilya na ‘yan nagtatrabaho, papasok sa opisina, mahahawa pa ang mga kaopisina nya. Then ‘yung kaopisina na ‘yon ay bahagi ng isang community… so ‘yon, nagkakaroon na tayo ng community transmission,” ani Cruz.
Nagpaalala naman si Cruz sa mga pipila sa mga community pantries na palaging sumunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagkakaroon ng physical distancing. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais