Piñol nanawagan sa DENR
Ikinababahala na ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang epekto ng malawakang pagkakalbo ng mga kagubatan sa bansa.
Ito ay matapos ang mapaminsalang pagbaha sa mga syudad o urban flooding sa Cagayan de Oro City at ilang bahagi ng Mindanao kamakailan.
Sa panayam ng Karambola, sinabi ni Piñol na halos lahat ng lugar na nakakaranas ng flash flood ay ang mga lugar na kalbo na ang mga bundok.
“It was a statement I made based on our previous experiences. Halos lahat ng areas na nagkakaroon ng flash floods are those areas na yung mga bundok nila ay kalbo na, Ormoc, Cagayan de Oro, twice na and in other parts of the country as well.”
Kasabay nito, ipinabatid ni Piñol na nagpadala na siya ng validation team sa Cagayan de Oro para tutukan ang sitwasyon sa lugar at alamin ang naging dahilan ng pagbaha.
“We really have to look into this, we cannot allow this situation to continue.”
Idinagdag ni Piñol na bagamat konti lang ang naging pinsala sa agrikultura ng pagbaha sa syudad ay kailangan pa rin lutasin ang problema dahil aniya’y magpapaulit-ulit lamang ito.
Binigyang diin din ni Piñol na dapat ayusin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang reforestation project ng gobyerno dahil noon aniya ay tila naging isang malaking racket lamang ang programa.
Sa ngayon ay nakikipagtulungan na ang Department of Agriculture (DA) sa DENR sa pagbuo ng ‘Bantay Kagubatan Program’ para tukuyin ang mga watershed areas sa bansa kung saan manggagaling ang irigasyon at himukin na rin ang komunidad sa pagtatanim ng mga puno.
By Aiza Rendon | Credit to: Karambola (Interview)