Posibleng maramdaman hanggang Hunyo ang epekto ng El Niño sa bansa.
Ito ay ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kasabay na rin ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam bunsod ng nararanasang matinding init.
Gayunman, tiniyak ng ahensya na hindi pa umaabot sa critical level ang mga pangunahing dam sa bansa at kasalukuyan pa ring nananatili ang mga ito sa operational status.
Ayon Pagasa Senior Weather Specialist Jorybell Masallo, kaya pa ng mga dam na mag-supply ng tubig sa mga kailangang patubig at mga kabahayan.
Dagdag ni Masallo, nakatulong din ang mga naranasang local thunderstorms nitong Marso sa ilang lugar sa bansa tulad sa Mindanao.
Samantala, posibleng magkaroon din ng epekto sa paglago ng ekonomiya ng bansa ang El Niño phenomenon batay sa naging pagtaya ng World Bank.
Ayon sa World Bank, dahil sa matinding init ay maaring magkaroon ng supply constraint sa pagkain na makaaapekto sa mga mahihirap.
25 areas under ‘state of calamity’
Dalawampu’t limang (25) lugar na ang isinailalim sa state of calamity dahil sa El Niño phenomenon.
Ipinabatid sa DWIZ ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Edgar Posadas na kabilang sa mga tinamaan ng matinding tagtuyot ang mga lugar sa Regions 1 hanggang 12 gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM at Cordillera Administrative Region o CAR.
Sinabi ni Posadas na pumapalo na sa mahigit apat na bilyong piso na ang pinsala partikular sa agrikultura ng matinding tagtuyot.
“Regions 2 po, Cagayan Valley, Region 3, Calabarzon, Mimaropa, 5, 6, 7 Regions 8, 9, 10, 11, 12 at BARMM kasama din ang CAR kasama rin ang Region 1, naglalaro po tayo ngayon between 4.384 billion pero maaari pang magbago, ito po ay base sa datos ng Departmnet of Agriculture.” Ani Posadas
Ayon kay Posadas, matapos maideklarang nasa state of calamity magagamit ng mga LGU ang kanilang pondo para makatugon din kontra El Niño phenomenon.
“Puwede po silang mag-mobilize ng local farms nila para humanap sila ng solusyon base na rin sa kanilang lokal na pagpapalano, local game plan nila para magastos ang available funds nila para tugunan as first responder ‘yung kanilang mga pangangailangan at kung saka-sakaling kulang nandun nnaman ang regional at national resources natin.” Pahayag ni Posadas
Cloud seeding
Malaking tulong ang cloud seeding operations para maibsan ang problema sa El Niño phenomenon.
Sinabi sa DWIZ ni Edgar Posadas na pitong beses nang nakapagsagawa ng cloud seeding operations ang gobyerno sa mga lugar na apektado ng matinding tagtuyot partikular sa Region 2.
Tiniyak ni Posadas ang patuloy na pagkilos ng gobyerno para masolusyunan ang El Niño phenomenon.
“Isa po ito sa pinaka-importanteng efforts natin ngayon at a national level, meron din pong efforts kagaya ng paghahanap ng alternatibong sources of water o tubig kagaya ng paghuhukay ng mga wells at paghahanap ng iba pang sources ng tubig sa mga karatig lugar na malapit sa Metro Manila na posibleng makadagdag sa supply ng tubig natin.” Dagdag ni Posadas
—By Judith Larino / (Balitang Todong Lakas Interview)
—-