Seryoso ang epekto ng El Niño sa publiko at sa bansa, kaya’t kailangan ng agarang aksyon.
Ito ang iginiit ni Senator Loren Legarda, na dapat magpatupad ng mga hakbang para maibsan ang epekto ng El Niño sa seguridad sa pagkain, sa ekonomiya at sa pangkalahatang kapakanan at kalagayan ng mamamayan.
Ayon sa senador, ang El Niño ay may epekto sa takbo ng panahon; sa agrikultura, suplay ng tubig at ecosystems bagay na makakaapekto sa food security, ekonomiya at kalagayan ng publiko.
Binigyang diin pa nito na dapat maghanda at magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor para mabawasan ang dalang panganib at negatibong epekto ng El Niño sa bansa at sa mamamayan.
Inirekomenda ni Senator Legarda ang whole of government at whole of nation approach para matiyak ang sapat na suplay ng tubig at pagkain sa Pilipinas. - sa panunulat ni Jenn Patrolla – ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19).