Hindi agad makikita ang epekto ng ipinatupad na Smoking Ban sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.
Inihayag ito sa DWIZ ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag sa harap ng obserbasyon na mayroon pa ring mga pasaway na naninigarilyo sa kabila ng implementasyon ng Executive Order No. 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Tayag na iisang linggo pa lamang naipatutupad ang Smoking Ban kaya’t nanganganay pa ang local government units o LGU’s sa pagpapatupad nito.
Pero batay sa obserbasyon ni Dr. Tayag, masipag aniya ang LGU’s dahil marami na ang natatakot na manigarilyo sa mga pampublikong lugar dahil posibleng pagmulthin ang mga ito o kaya ay makulong.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Health Asec. Eric Tayag
Sa kabilang banda, nararamdaman na ng ilang mahilig manigarilyo ang epekto ng ipinatupad na Smoking Ban sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na gumagawa na ng diskarte ang ilang mahilig manigarilyo para lamang masunod ang bisyo
Ang iba aniya ay umuuwi ng maaga mula sa trabaho para lamang makapanigarilyo sa bahay habang ang iba naman ay naghahanap ng tagong lugar kapag nasa opisina para makahitit ng sigarilyo.
Sinabi ni Dr. Tayag na masasanay din ang mga may bisyo at kalaunan ay mapagtanto na para na rin ito sa kanilang kalusugan.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Health Asec. Eric Tayag
- Aileen Taliping