Posibleng mas maramdaman ang epekto ng krisis sa pagkain sa bansa sa ikalawa hanggang sa huling bahagi ng taon.
Ito ang ibinabala ng Department of Agriculture matapos ang pahayag ng United Nations na maaaring tumagal ng ilang taon ang global food crisis kung hindi matutuldukan ang giyera sa Ukraine.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Fermin Adriano, asahan na ang sobrang nipis ng supply ng pagkain, partikular ng trigo lalo’t hindi naman nakapag-tanim at nakapag-ani partikular sa Russia at Ukraine, na nangungunang wheat supplier.
Pinayuhan naman ni Fermin ang susunod na administrasyon na tutukan nang maigi ang naka-umang na krisis lalo’t inaasahang matindi ang magiging epekto nito sa ekonomiya na nagsisimula pa lamang bumangon mula sa Covid-19 pandemic.