Inihayag ng Department of Health (DOH) na posibleng magtagal ng dalawang linggo o 10 hanggang 14 na araw bago makita ang epekto ng pagbaba ng Alert level status sa Metro Manila at 38 iba pang mga lugar sa bansa.
Matatandaang inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsasailalim ng Alert level 1 sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar, dahil narin sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health USec. Maria Rosario Vergeire, sa kabila ng pagbaba ng Alert status, mahigpit parin ang pinapairal na health protocols ng mga LGU sa ilang lugar sa Metro Manila kabilang na dito ang mga bakunado na hihingan ng Vaccination card bago payagang makapasok sa loob ng mga establisyimento.
Hindi naman papayagang makapasok sa loob ng mga Malls at iba pang pampublikong establisyimento ang mga unvaccinated o mga hindi pa bakunadong indibidwal. —sa panulat ni Angelica Doctolero