Mula nang umere sa mga sinehan sa buong mundo ang pelikulang San Andreas na pinagbibidahan ni Dwayne “The Rock” Johnson, tila maraming opisyal ng pamahalaan ngayon ang na-enganyong pag-ibayuhin ang kahandaan sa pagdating ng mapinsalang “The Big One” o malakas na pagyanig na aabot sa higit seven magnitude na lindol.
Bagamat naka-sentro ang pelikula sa Amerika partikular sa California at Nevada State, inilalarawan sa naturang movie ang epekto at kung ano ang idudulot na pinsala sa tao at ari-arian, sakaling tumama ang malakas na lindol sa isang bansa.
Tulad ng nangyaring mga nagdaang lindol na tumama sa Japan at nitong taon lamang sa Nepal, ay talaga namang walang sasantuhin ano man ang estado ng ekonomiya ng isang bansa, ma-progresibo man ito o hindi.
Kaya naman dito sa Pilipinas, nagkakaroon na ng “self-consciousness” at malalim na pang-unawa sa usapin ng lindol.
Kamakailan lamang ay inihahanda na ang publiko sa posibleng pagyanig na aabot sa 7.2 magnitude na lindol dito sa Pilipinas, partikular sa Metro Manila at karatig lalawigan, na posibleng gumiba sa mga gusali, kabahayan at maging mga imprastraktura.
Dahil may kamalayan na ang bawat isang Pilipino sa kung ano ang magiging pinsalang idudulot nito sa buhay at propiedad, nagkaroon tuloy ng mga pinagkaisang hangarin o ika nga, “united stand” sa pagtugon kung papaano ihahanda ang sarili at publiko sa lindol.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ngayon pa lamang ay nakikipag-usap na sa mga media groups sa pamamaraan kung paano maihahatid ang mga impormasyong kakailanganin sakaling dumating ang kinakatakutang trahedya.
May mga efforts na mula sa AFP at mga pribadong kompaniya, kung papaano matutugunan ang pangangailangan ng mga mabibiktima sa kalamidad tulad ng lindol.
Sa parte naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ay nanawagan na sila ng nasa walong libong volunteers, upang gumanap na mga first responders sa panahon ng kalamidad.
Sa hakbangin na ito ay maituturing na living heroes ang mga ito dahil mas inuuna muna nilang isalba ang publiko bago ang sarili nilang kaanak, na masasabing kabilib-bilib at kahanga-hanga.
Kaya sa puntong ito, imbes na tayo ay matakot at magimbal sa pelikula na ating natunghayan, mas maiging ihanda natin ang ating sarili upang sa ganun ay makasasalba rin tayo ng buhay ng ating mga kaanak sa panahon ng anumang kalamidad.