Magkakaroon ng malaking epekto sa social services ng gobyerno ang isinusulong na suspensyon ng Excise Tax sa mga produktong petrolyo.
Ito ang ibinabala ng Department of Budget and Management (DBM) sa gitna ng lumalakas na panawagang suspendihin na ang naturang buwis upang mabawasan ang epekto ng hindi maawat na oil price hike.
Ayon kay DBM Secretary Tina Rose Canda, bagaman makatutulong sa transport sector ang nabanggit na panawagan, mahihirapan naman ang gobyerno na pondohan ang ilan nitong social services at programs.
Kabilang anya sa maaaring maapektuhan ang edukasyon, kung saan mawawalan o mababawasan ng pondo para sa K-12; health facilities at medical assistance ng DOH, maging ang ayuda ng DSWD sa mga indibidwal na nasa crisis situation.
Ipinaliwanag ni Canda na kailangan ng malalimang pagtalakay sa issue ng Excise Tax Suspension at Vat Moratorium sa mga produktong petrolyo.