Isinusulong ni Senator Win Gatchalian na mag imbestiga o magsagawa ng pagdinig ang senado para matukoy ang epekto ng patuloy na girian ng Russia at Ukraine sa seguridad ng enerhiya sa bansa at sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa kanyang Senate Resolution no. 78, iginiit ni Gatchalian na dahil sa pag-akyat ng presyo ng langis at krudo sa pandaigdigang merkado ay naapektuhan din ang lokal na presyo nito.
Aniya, dapat ding matutukan ang short, medium, at long-term effects ng giyera ng Russia at Ukraine sa ekonomiya ng Pilipinas.
Kailangan anyang bumalangkas ng mga solusyon upang makaagapay ang taumbayan sa patuloy na oil price hikes.
Batay sa monitoring ni Gatchalian, umabot sa 22% ang itinaas ng presyo ng gasolina kung saan nasa P77.71 na kada litro nito noong Mayo mula sa P63.58 noong Enero.
Tumaas naman ng 49% o nasa P75.92 kada litro ng diesel noong mayo mula sa P50.95 noong Enero. - sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)