Mahigpit na binabantayan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang posibleng epekto sa presyo ng mga produktong petrolyo, 2020 national budget at ekonomiya ng bansa ng pagpasabog sa dalawang oil facilities sa Saudi Arabia.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, hindi lamang makakapekto sa macroeconomic assumptions ng pambansang pondo ang nangyari sa Saudi Arabia kundi maging sa buong ekonomiya ng bansa.
Ito aniya ang dahilan kaya kailangan din nilang magpatupad ng adjustment o pagsasaayos sa proposed 2020 national budget kung kinakailangan.
Dagdag ni Cayetano kanila ring imomonitor kung makatutulong ang anunsyo ng Estados Unidos na magpapalabas ng kanilang reserba para maibsan ang posibleng pagsirit ng presyo ng langis.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang deliberasyon sa plenaryo ng Kamara kaugnay ng proposed 4.1 trillion pesos na national budget sa susunod na taon. — ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)