Unti-unti nang dumarami ang bumibili ng tingi-tingi sa mga palengke bunsod ng tumataas na presyo ng mga bilihin dulot ng TRAIN Law.
Sa mga palengke sa Quezon City, halos dumoble na ang presyo ng ilang gulay na nagmumula sa Northern at Central Luzon habang nasa 10 piso ang itinaas ng karneng baboy kada kilo at 15 piso sa kada kilo ng manok.
Mula sa dating 210 ngayon ay 220 pesos na ang presyo ng kada kilo ng baboy; manok, 165 mula sa dating 150 pesos; carrot, 60 pesos mula sa dating 55 Pesos; repolyo, 60 mula sa dating 30 pesos; patatas, 60 pesos mula sa dating 45 pesos kada kilo at sitaw, 80 mula sa dating 40 pesos kada tali.
Sa Baguio City, lima hanggang 20 piso ang itinaas ng presyo ng mga gulay tulad ng sayote na 25 mula sa dating 20; sibuyas at bawang, 80 mula sa dating 70 pesos kada kilo.
Samantala, aminado naman si Mary Zapata ng Aduana Business Club na sadyang napakalaki ng epekto ng TRAIN Law partikular ng dagdag excise tax sa mga produktong petrolyo sa presyo ng mga bilihin.
—-