Isinusulong ng ilang mambabatas ang pag-amyenda sa Republic Act No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Inihain nina SAGIP Party-list Representatives Caroline Tanchay at Rodante Marcoleta ang House Bill No. 174 na nagbabawal sa cross-ownership sa power sector upang maiwasan ang conflict of interest at monopolyo.
Sa ilalim kasi ng EPIRA, pinapayagan ang distribution utilities na kunin ang 50% ng kanilang electricity supply requirements mula sa kanilang associated firms.
Isinusulong din ng Department of Energy (DOE) ang pag-amyenda sa EPIRA upang mabigyan naman ng kapangyarihan ang Energy Regulatory Commission (ERC) laban sa power distributors na hindi sumusunod sa mga itinakdang panuntunan.
Nais ng kagawaran na mabigyan din ng kapangyarihan ang pangulo na magdeklara ng electric power crisis kapag mababa na ang suplay ng kuryente o mahal ang singil dito. Kapag mangyari ito, maaaring magpatupad ang DOE ng price cap.
Dagdag pa rito, hiniling ng DOE na mabigyan ng awtoridad ang Philippine Competition Commission (PCC) sa sektor ng enerhiya upang mapangalagaan ang mga konsyumer ng kuryente.