Nanganganib na muling tumaas ang singil sa kuryente ng Meralco.
Aminado ang Energy Regulatory Commission na kahit ibinasura ang hirit na power rate hike ng Meralco at power units ng San Miguel Corporation, hindi nila matiyak na hindi tataas ang singil sa mga susunod na buwan.
Maaari namang kumuha ng kuryente sa ibang source ang Meralco sakaling umatras na sa power supply contracts ang mga planta ng SMC matapos ibasura ang kanilang hiling na nag-ugat sa pagsirit ng presyo ng panggatong.
Gayunman, iginiit ni Department of Energy Spokesman Wimpy Fuentebella na dapat igalang ng power distributor at SMC ang pasya ng ERC.
Inisnab naman ni ERC Chairperson, Atty. Monalisa Dimalanta ang kalkulasyon ng San Miguel na 30 centavos per kilowatt hour lang ang itataas ng singil kung pinagbigyan ang hiling.
Samantala, nagbanta naman si Meralco Regulatory Management Head, Atty. Romulo Valles na maniningil sila ng sangkaterbang multa kung kakalas sa kontrata at tumigil ang mga planta sa pagsu-supply ng kuryente sa kanila.