Malakas umano ang probable cause o ebidensya laban kay Energy Regulatory Commissioner Chairman Jose Vicente Salazar kaya’t posibleng matanggal din ito sa pwesto.
Ito ang inihayag ni Senate Energy Committee Chairman Sherwin Gatchalian makaraang sabihin nitong mas maiging tanggalin na lamang sa pwesto si Salazar sa halip na suspendihin.
Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang agarang imbestigasyon sa sinasabing mga iregularidad o kasong administratibo laban kay Salazar upang magkaroon ng “stability” sa power sector.
Ngayon anyang suspendido na ang ERC Chairman ay malayang makapag-iimbestiga ang ehekutibo at madetermina upang maging mas maayos at mahusay na regulator ang ERC at maisulong ang interes ng publiko.
Iginiit ng senador na mayroong kapangyarihan ang Malakanyang upang magsuspinde ng mga opisyal nito bilang appointive authority sa ERC upang maprotektahan ang interes ng mga mamamayan.
Tatayong Officer-in-Charge pagpapasyahan ng 4 na commissioners ng ERC
Pagpapasyahan na ng apat (4) na commissioners ng Energy Regulatory Commission o ERC kung sino ang tatayong Officer-in-Charge (OIC) matapos suspendihin ng siyamnapung (90) araw ni Executive Secretary Salvador Medialdea si ERC Chairman Jose Vicente Salazar.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, magpupulong ang apat (4) na commissioners sa lalong madaling panahon upang pagpasyahan kung sino ang pansamantalang hahalili kay Salazar.
Gayunman, karaniwan anyang ang pinaka-senior sa komisyon ang itinatalagang OIC.
Ang apat (4) na ERC Commissioners ay sina Atty. Gloria Victoria Taruc, Josefina Patricia Aspirit, Alfredo Non at Geronimo Santa Ana.
Si Salazar ay sinuspinde batay sa reklamong serious dishonesty at grave misconduct.
By Drew Nacino |With Report from Cely Bueno / Aileen Taliping