Pinagbibitiw na sa puwesto ni House Committee on Good Governance and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel si Energy Regulatory Commission (ERC) Chair Jose Vicente Salazar.
Sinabi sa DWIZ ni Pimentel na hindi lamang sinungaling si Salazar kundi ito ang dahilan ng mga kaguluhan sa ERC partikular sa isyu nang pagpapakamatay ni ERC Director Francisco Villa.
Ayon pa kay Pimentel, matapos ang kanilang mga pagdinig sa komite, malinaw na prinessure ni Salazar si Villa para aprubahan ang tatlong iligal na transaksyon.
“Gusto niyang ipa-award yung audio visual presentation sa isang kaibigan niya si Mr. Luis Morelos pero hindi natuloy yung mga transaksyon noong namatay si Director Villa dahil siguro natakot si Atty. Salazar hindi na tinuloy, pero kung ako lang ang masusunod dapat mag-resign na si Atty. Salazar dahil siya ang nagbigay ng kaguluhan diyan sa Energy Regulatory Commission, at sa pag-iimbestiga namin kahit mismo yung ibang commissioners ay nagsasabi na medyo wala na silang tiwala kay Atty. Salazar.” Ani Pimentel
Sinungaling?
Huling-huli umano sa kaniyang kasinungalingan si ERC Chair Jose Vicente Salazar.
Ipinabatid sa DWIZ ni Pimentel na malinaw na nagsisinungaling si Salazar sa pagsasabing wala siyang kinalaman sa renovation ng board room gayung katabi ito ng kaniyang tanggapan at pinare-reimburse pa nito ang ginastos sa renovation na kinontra naman ng Bids and Awards Committee ng ERC dahil wala itong kontrata.
Bukod dito, sinabi ni Pimentel na nagsinungaling din si Salazar nang itangging kilala ang supplier na si Luis Morelos gayung naka-transaksyon na niya ito noong nasa DOJ pa siya.
“Ginawa yung board room first quarter ng 2016 then pinapagawan niya ng papeles, ng kontrata is October ng 2016, tapos nung tinanong ko siya sino ba ang nag-utos nito? Ang sabi niya wala siyang kinalaman sa pagpa-renovate ng board room eh nung nalaman ko katabi pala yung board room ng opisina niya eh imposible naman, ang sabi ko imposibleng wala kang kaalam-alam sa pagpapa-renovate eh katabi mo yung board room? Masyadong sinungaling si Atty. Salazar.” Pahayag ni Pimentel
By Judith Larino | Ratsada Balita (Interview)
*Photo courtesy of Energy Regulatory Commission