Walang nakikitang problema ang Energy Regulatory Commission sa sandaling magdesisyon ang House Committee on Legislative Franchise na hindi i-renew ang prangkisa ng Panay Electric Company o PECO.
Gayunman, sinabi ni ERC Chairman Agnes Devanadera na dapat lamang tiyakin na walang magiging problema sa supply ng kuryente sa mga sineserbisyuhan ng PECO.
Magugunitang ipinahiwatig ni Rep. Josef Alvarez, chairman ng komite na mas maraming kongresista ang hindi pumapabor na i-renew pa ng panibagong 25 taon ang prangkisa ng PECO, ang electric utility ng Iloilo City.
Ito ay dulot na rin ng maraming reklamo ng mga consumer katulad ng palagiang brownout, overbilling at mahinang customer service.
Sinabi pa ni Devanadera na ang pagrefund ng sobrang binayad at pagbabalik sa bill deposit ay natugunan na rin ng ERC.
Kaugnay nito, umapela naman si Iloilo City Councilor Joshua Alim sa Kamara na silipin ang kanilang kondisyon sa lalawigan.
Nagsumite ito ng dokumento na naglalaman ng mahigit 30,000 lagda na tumututol sa patuloy na operasyon ng PECO.